Wednesday, September 14, 2016

Bagong Araw

Nakaupo lang ako,,, tahimik,,, nakadungaw sa bintana habang umaandar ang bus. Malayo ang tingin.

Nagiisip... 

Sa tabi ko, ang taong pinakaminahal ko... ang taong pinag-alayan ko ng lahat ng walang hininging kapalit kung hindi kanyang pagmamahal lamang.

Ang taong inakala kong magbibigay ng kahulugan sa akin ng salitang "forever".

Ang taong dumurog ng puso ko... ng paulit - ulit, hanggang sa ako'y namanhid... napagod... nawalan ng pagmamahal at tiwala sa sarili.

Ang taong pinakaminahal ko...

Napansin kong siya'y nakikiramdam... walang imik... hinihintay na ako ang unang magbitiw ng mga salita.

Pero determinado akong walang bitawang kahit isang tunog man lamang.

Sa isip ko, kahit man lang sa huling araw ng aming pagkikita ay wala akong marinig na pagaaway, bagkos ay katahimikan lang.. 

Kinalabit niya ako, "O, bakit hindi ka umiimik?"

Tinignan ko siya panandalian, saka ko binaling ulit ang tingin ko sa bintana... sa kalayuan, sumilip na ang araw... marami na din taong nagaatubiling sumakay papasok ng kani-kanilang trabaho habang kami'y papauwi naman.

"Wala ka man lamang bang sasabihin hanggang sa bumaba na tayo?" tanong niya.

Tinignan ko siya ulit... "Nasabi ko na lahat sa iyo, Bruce".

"Talaga lang ha?", ang iritableng sagot niya.

"Siguro kung meron man, yun ay nanghihinayang ako sa oras na iginugol natin sa isa't isa." marahan kong sabi.

"Apat na taon na... Siguro naman tama na yun... Marami pa tayong pwedeng gawin, Marami pa tayong mapapakitaan at mababahagihan ng pagmamahal natin".

"Hindi ko maintindihan." sabi niya.

"Si Christian, mahal mo siya diba?" tanong ko.

Hindi siya umimik,

"Mahal mo siya, kahit na hindi mo sabihin, alam ko." 

"Sinasabi mong ako ang pinili mo, Pero paulit-ulit kang bumalik at bumabalik sa kanya... dalawang taon Bruce... dalawang taong paulit ulit kahit nuong nalaman niyo na alam ko na na may namamagitan sa inyo. Iisa lang ang ibig sabihin niyan, Mahal mo din siya." 

"Hindi niyo na kailangan magtago, Hindi mo na kailangang magsinungaling pa sa akin sa tuwing magkikita kayo," tugon ko.

"Pinapalaya na kita, Bruce. Malaya ka na."

Wala siyang salitang binitiwan. Tinignan lang niya ako, May mga luhang bumuo sa kanyang mga mata.

"O, Balara! Balara! Sa mga bababa diyan, Balara na!" sigaw ng konduktor.

Bumaba ako ng bus, walang lingunan. Pinakiramdaman ko ang aking sarili, Ni katiting na galit o lungkot ay wala akong naramdaman. Bagkos, pakiramdam ko'y nabunutan ako ng tinik sa lalamunan.

Malaya na din ako sa wakas.

Malaya sa mga luha at galit,.. malaya sa lungkot ng isang masakit na nakaraan.

----------------------------

Dalawang buwan ang lumipas ng may natangap akong text sa kanya. Pauwi na ako nuon galing ng trabaho at mataas na ang araw habang tinatahak ko ang daan pauwi sa aming bahay.

"Sorry... gusto kitang makita pero alam kong huli na. Nasa huli nga ang pagsisisi sabi nila. Malalaman mo lang ang halaga ng isang tao kapag nawala na sila sa iyo. Mahal pa rin kita, Hudson."

"Napatawad na kita, Bruce, pero tama ang sinabi mo, huli na ang lahat. Ang mainam nating gawin ay magpaalam na ng tuluyan sa isa't isa. Pasalamatan natin ang oras na ipinagkaloob Niya sa atin, kasi kahit papaano ay may natutunan tayo." ang reply ko.

Tinignan ko ang araw sa kalangitan...

Bagong araw.., bagong buhay.

Napangiti ako.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...